Contact Us
*Maikling Kasaysayan ng Bayang General Tinio, Nueva Ecija

sinulat ni Jose Lea Padolina Sr.

Ang bayang Gen. Tinio ay sityo ng nayong Mapisong (Penaranda). At ang Mapisong ay nayon ng Gapan.

Noong 1798 humigit kumulang ay may pinapanauhin ang nasabing sityo ng isang lalaking may matipunong pangangatawan. Ang panauhin ito ay nakikilala sa pamilyang de Leon na mula sa San Miguel, Bulacan. Siya’y isa sa mga panaguan at itinuturing na mahigpit na kalaban ng pamahalaan ng Kastila. Nakawilihan niyang manirahan sa liblib na pook na yaon at tuloy nagkapalad na matagpuan ang kanyang tunay na kabiyak.

Upang maiwasan ang manganganib na katayuan sa pamahalaang Kastila, at lubusang maipagpatuloy ang diwang maka-Pilipino, ay kusang loob na pinalitan ang kanyang apelidong de Leon sa Padolina. Ang bagong magkabiyak, sa kanilang masuyong pagsasama sa pinagkalooban sila ng Maykapal ng limang anak na pawang mga lalaki. Sina Francisco, Agapito, Eugenio, Esteban at Gaspar Padolina. Nang umabot sa hustong gulang ang limang magkakapatid, sila ay nanguna at nag pasimuno sa paghahawan at paglilinis ng makapal na gubat ng nasabing sityo. Nang idating ng panahon ang malamig na tag-ulan ay tinubuan ng di-mabilang na punong papaya ang malinis at matabang lupain. Mula noon ay nakilala ang munting sityo sa pangalang nayon ng Papaya. Ang mga tao sa nayon ay masisipag at may mga magagandang kalooban. Bagama’t mararalita, ang mga pintua’y laging bukas. Palibhasa’y ang limang magkakapatid ay hinubog sa wastong pag-uugali at may mga damdaming makabayan, kung kayat ang dalawa sa kanila’y naging Kabesa de Barangay.

Naging mabilis ang takbo ng panahon at sa pag-unlad ng nayon ay nagpatuloy rin. Sa kaugnayan nito, ang nayon ng Papaya ay naging bayan noong unang araw ng Enero, taong 1921. Ang gawing kanluran ng kabayan na lalong kilala sa tawag na Liko ay itinatag sa ilalm ng pangangasiwa ng mga Konseho ng bayan at pinagtibay ng Pangulo ng Pilipinas noong Enero, taong 1965, sa karangalan ni Mamerto R. Padolina. Kaya’t ang liko, sa ngayon ay isang nayong Mamerto R. Padolina sa bayan ng Gen. Tinio, Nueva Ecija.

[Return to Top of Page]


© 2007 Indira Padolina Dayupay Foundation & Charitable Associations Inc.