|
* Ambisyon, Karunungan at Determinasyon
Magandang hapon po sa inyong, sa mga bibigyan ng parangal, sa mga
magulang, sa mga guro. Maraming salamat po sa pagbibigay ninyo ng oportunidad sa akin na makapiling ninyo sa espesyal na araw na ito.
“Ang matalinong anak ay ligaya ng magulang, ngunit siphayo ang anak na mang-mang” – Alam niyo ba mga bata kung saan ko nakuha ang kawikaang ito? Ito ang kawikaan na nasa imbitasyon para sa kapita pitagang araw na ito.
Ngayong hapon na ito, ako ay humaharap po sa inyo bilang isang ina. Ina po ako ng tatlong naggangandahan at nagtatalinuhang Maria. Si Mica, ang panganay ko po ay nasa Grade 4, ang pangalawa, si Mikee, ay nasa Kinder at ang bunso na si Maki ay papasok pa lamang po sa eskwela sa pagbubukas ng klase.
Bilang isang ina, dama ko ang hirap at pasakit ng magulang. Ilang taong hirap, ilang taong pasakit, ilang taong sakripisyo. Ang kagustuhan ng magulang na makapagaral ang anak ang nagtutulak sa magulang magsigasig at magsumikap. Nagtutulak sa mga magulang na mangibang bansa at makipagsapalaran. Lahat ng sakripisyo at pagpapasakit na ito ay nawawala, napapawi sa sandaling makita ng magulang ang anak na umaakyat sa entablado para tumanggap ng parangal.
Mga bata, nasaan ang inyong mga magulang, hanapin at tingnan ninyo. Mga bata, pasalamatan ang ating mga magulang. Pasalamatan at palakpakan.
Bilang isang dating magaaral, naranasan ko din ang paghihirap ng isang estudyante. Tulad ninyo, madami rin akong naging sakripisyo. Ramdam ko ang pagsisikap ng estudyante para makapagaral para sa isang pagsusulit, ang pagsusumikap ng estudyante para maipasa ang mga project at mga asignatura sa takdang oras. Ang walang patid na pagpasok ng araw-araw sa silid-aralan, umuulan man o umaraw. Ang pagiwas sa masasamang bisyo, pagiwas sa paninigarilyo, paginom, hindi pagkalulon sa ipinagbabawal na gamot at pagiwas sa pagkakabarkada sa masasamang impluwensya. Ang pagaaral ng kabutihang asal.
At lalong nakakagalak at nakakatuwa sapagkat kayong nasa harapan ko ngayon, kayong bibigyan ng parangal ay napatunayan ang inyong mga sarili sa kabila ng mga pagpapasakit na nabigkas ko. Narito tayo ngayon at nagdiriwang sa mga nakuha ninyong mga parangal.
Mga bata, tingnan ninyo ang inyong mga katabi, mga kaklase, mga kaibigan, mga kasama sa loob ng silid-aralan at paaralan. Ating pasalamatan at palakpakan ang ating mga sarili at kaklase para sa karangalang tatanggapin ngayong araw na ito.
NGUNIT mga bata, ipinababatid ko sa inyo na ang daan patungo sa karunungan ay puno ng hirap at pagpapasakit. Pagkatapos ng elementarya susunod pa ang 4 na taong sekondarya at 4 pa na taong kolehiyo. Masakit, mahirap at puno ng sakripisyo ang daan patungo sa karunungan. Isipin ninyo ang ilang taong pagpapasakit at pagpapahirap ng ating mga magulang. Mga bata, huwag sayangin ang mga paghihirap na ito. Huwag papabayaan ang pagaaral at mga parangal na tatanggapin ngayong araw na ito dahil nabigyan kayo ng oportunidad na makapasok sa eskwelahan. Tumingin na lang sa inyong paligid, napakahirap ng buhay. Napakahirap ng pasanin ng ating mga magulang. Tayo’y magpasalamat at tayo ay nagkaroon ng pagkakataong matuto.
Sa mga mabibigyan ng parangal ngayong araw na ito, inaasahang ko na hindi ninyo makakalimutan ang mga pagpapasakit ng inyong mga magulang at mga guro. Sa mga bata, magulang at guro, ang mga parangal na ito sa kabila ng mga pagpapasakit at sakripisyo ang nagpapatunay ng inyong kabayanihan at karangalan.
Mga bata, ngayong araw ng pagkilala, gusto kong maintindihan ninyo ang mga importanteng salita: AMBISYON, KARUNUNGAN at DETERMINASYON. Ano ba ang mga salitang ito, ating silang isa-isahin.
Alam ninyo ba kung ano ang gusto ninyo? Saan kayo pupunta? Ano ang inyong gagawin? Napagisipan nyo na ba ang mga bagay na ito?
Ano ba ang ambisyon? Ang ambisyon ay ang ating pangarap o mithiin sa buhay. Ano ang inyong ambisyon? Sino rito ang gustong maging abogado? Doktor? Inhinyero? Negosyante? Guro? Pinakamagagaling na magsasaka?
Kailangan ng isang tao ang ambisyon. Ang ambisyon ang ating nagiging gabay. Ito ang nagtutulak sa tao makapagpatayo ng pinaka-matataas na gusali, makapagpatayo ng pinaka-mahahabang tulay, maipadala ang kapwa tao sa buwan. Ang ambisyon ang nagtutulak sa taong tumuklas ng mga bagong kagamutan at teknolohiya. Ang ambisyong makatulong sa tao, ang ambisyong makilala, ang ambisyong yumaman, ang ambisyong magkamit ng dagdag kaalaman.
Ang ambisyon ang nagiging gabay ng tao para makarating sa pinapangarap o minimithi. Ang ambisyon ang nagtutulak sa tao para magtagumpay, gawing katotohanan ang isang pangarap.
Mga bata, bakit kayo nasa paaralan? Bakit nga ba kayo nagaaral? Alam ninyo ba kung bakit? Nasa paaralan tayo dahil kailangan natin ng kaalaman. Karunungan. Ang karunungang ito ang nagiging hagdanan upang ating maabot ang ating mga pinapangarap. Ang dunong at talinong tinuturo sa atin ng ating mga guro ay nagsisilbing kasangkapan para marating ang ating mga minimithi.
Paano maipagtatanggol ng isang abogado ang kanyang kliyente kung hindi nito mabasa ang mga dokumento legal? Paano mapapagaling ng isang doktor ang isang pasyente kung hindi ito marunong sumulat ng reseta? Paano makakapagtayo ng malalaking gusali ang isang inhinyero kung hindi ito marunong magsukat? Paano makakabenta at makakabili ng mga kagamitan ang isang negosyante kung hindi ito marunong magbilang? Paano malalaman ng mga pinakamagagaling na magsasaki ang pinaka-bagong pamamaraan sa pagsasaka kung hindi sila marunong magbasa ng mga babasahing agrikultura at di-marunong makipagusap sa mga siyentipikong dalubhasa sa teknolohiya sa pagtatanim.
Naiisip niyo ba ito mga bata? Ang dunong at talinong nakukuha natin sa ating mga paaralan ay nagsisilbing kasangkapan para marating ang ating mga minimithi.
Pangatlong salita ay Determinasyon. Ano ba ang salitang determinasyon? Ang determinasyon ay ang lakas ng loob na magawa ang gustong gawin, ang gawing katotohanan ang ating mga hinahangad. Determinasyon ay nagbibigay sa atin ng tiwala sa sarili at pananalig sa Diyos na matupad ang mga mithiin at magtagumpay sa landas na ating tatahakin kahit na mahirap. Ang determinasyon ang gumagabay sa mga inhinyero matapos ang mga pinakamalalaki at pinakamagagandang gusali kahit madaming balakid. Ang determinasyon ang nagbibigay lakas ng loob sa mga doktor para maisalba ang mga pasyente sa bingit ng kamatayan. Ang determinasyon ang nagtutulak sa mga abogado para mapatunayang walang kasalanan ang kanilang kliyente. Ang determinasyon ang nagbibigay inspirasyon sa negosyante na mapalaki ang negosyo sa kabila ng hirap ng buhay. Ang determinasyon ang nagbibigay tibay ng loob sa mga magsasakang ipagpatuloy ang kabuhayan sa kabila ng pananalanta ng isang bagyo.
AMBISYON, KARUNUNGAN, at DETERMINASYON. Tandaan ninyo ang mga salitang ito. Mga bata, ang ating mga magulang, tulad ko, ay AMBISYON ding makatapos at mabigyan ng parangal ang mga anak. Pinagdadasal na ang mga anak ay magkamit ng KARUNUNGANG gagamitin upang makisabak at makatulong sa ating lipunan. At ang mga pagbibigay parangal na ito ang nagbibigay DETERMINASYON sa ating mga magulang na magsumikap at lalo pang magpasakit para magkaroon kayo mga bata ng isang mas magandang kinabukasan.
Akin lamang inaasahan na matandaan ninyo mga bata ang kahirapan naranasan ninyong mga magaaral, inyong mga magulang at mga guro para kayo ay mabigyan ng parangal ngayon. Ang mga pagpapasakit at paghihirap ninyo, mga magulang ninyo at mga guro ninyo ang nagpapatunay lamang na kayo ay mga bayani at mga taong marangal na karapat dapat bigyan ng parangal.
At sa pagwawakas, kayong mga bibigyang parangal ngayong hapong ito, kayong mga Bayani at kayong mga taong Mararangal – ayon sa ating Gat. Jose Rizal, ay siyang pagasa ng ating bayan. Mga magiging doktor, abogado, inhinyero, negosyante at magiging mga guro – ang mga pagasa ng ating bayan.
Maraming salamat po at magandang hapon muli.
[Return to Top of Page]
|
|