Contact Us
* Paghubog ng Magandang Ugali Sa Kabataan Tungo sa Tagumpay sa Buhay

Pangkaraniwan ang mga naluluklok sa mga posisyon gaya ng mga itatalaga ngayon sa pamunuan ng barangayette ay mga taong ating hinahangaan. Sa paniniwala natin, ang mga taong ito ay may kahanga-hangang katalinuhan, angking kagalingan, integridad; ito ang mga katangiang nararapat para magampanan ang tungkulin ng posisyong pinagtalagahan. Ngunit para sa akin, isa sa mga nagdedetermina ng tagumpay ng isang tao, sa kahit na anong posisyon ay ang pagkakaroon ng isang maganda at malakas na UGALI o sa ingles – “Character”.

Ano ba ang UGALI o tinatawag nilang “Character”? Ang UGALI ng tao ay ang kabuuan ng kanyang pangkalooban katangian na nagiiba sa kanya sa ibang tao. Ito ay unti-unting nabubuo habang bata pa tayo at patuloy na nagiiba habang tumatanda tayo. Ito ay puedeng maging maganda o hindi, ang nagdedetermina kung maganda o hindi ang ugali ng isang tao ay sarili rin natin. Ang pagkakaroon ng magandang ugali ay nakakatulong sa isang tao upang lumaking tagumpay, responsable at tinitikalang lider. Ang ating “Character” o UGALI ay makakatulong ng malaki sa mga pamunuang matatalaga ngayon sa barangayette.

Ano ba ang mga maaring maghubog ng “Character” o ugali ng isang tao? Ang ambisyon, matatag na kalooban at magandang pananaw sa buhay ay maaaring humubog rito.

Ambisyon. Saan ka ba tutungo? Ang ambisyon ang ating pangarap, ang ating destinasyon. Kung hindi natin alam ang ating destinasyon paano natin malalaman kung saan tayo pupunta. Kasama ng ambisyon ang pagkakilala sa ating sarili, pagkakakilala ating mga prioridad at pagkakaroon ng disiplina. Dapat magkaroon tayo ng pagkakataong makilala ang ating mga sarili, alamin kung ano ang importante sa atin at magkaroon ng disiplinang abutin ang ating ambisyon. Iba’t-ibang tao ay iba’t iba ang pangarap, ang pangarap na madali man maabot ng isang tao ay maaaring mahirap naman para sa isa. Kaya’t dapat natin irespeto ang ambisyon ng iba, mas maganda kung ang ating sariling ambisyon ang ating pagtutuunan ng pansin. Katulad ni Henry Sy, nakapagpatayo ng naglalakihan at naggagandahang SM malls dahil pinangarap niyang makapagtayo ng mga malls na ito. Katulad kay Mr. Henry Sy, ang pangarap ang magsisilbing destinasyon natin. Ang pagkakilala sa ating sarili, ang pagkakaalam ng ating mga prioridad sa buhay at ang pagiging disiplina ay nagsisilbing direksyon upang marating ang ating destinasyon.

Matatag na Kalooban. Ang katatagan ng kalooban ang isa sa mga magandang ugali ng isang lider. Ang pagiging lider ay walang kinalaman sa pagkakatalaga sa isang posisyon. Ang posisyon ay hindi nagtuturo sa isang taong para maging isang lider. Ang pagiging lider ay ang pagkakaroon ng malalakas na paniniwala, ang pagkakaroon ng prinsipyo at tiwala sa sarili na ating nakukuha sa bawat desisyon na ating ginagawa. Sa paglipas ng panahon, dahil sa mga pinagsama-samang desisyon na ating ginawa, nagkakaroon tayo ng katatagan ng kalooban. Makakatayo ba kayo sa inyong sariling paa at maipaglalaban ang inyong mga prinsipyo? Ang katatagan ng loob ang nagsisilbi pampalakas ng isang ugali ng tao, nakapagbibigay sa atin ng lakas ng loob ng tumayo sa ating sariling paa. Ito rin nakakatulong ng malaki upang tayo ay maging isang magaling na pinuno.

Magandang pananaw sa buhay. Sa panahon ngayon, napakadaling mawalan ng pagasa. Kung pagbabatayan ang mga nakasulat sa pahayagan, parang lubog na lubog na ang Pilipinas. Nakakalungkot di ba? Ngunit, ating laging isipin na may pagasa. Kahit na anong kalagayan ng tao, parating may pagasa habang nabubuhay.

Ating napagaaralan sa kasaysayan ang Ikalawang Digmaan ng mundo. Nang taong 1940-1945, nagdigmaan ng mga bansa sa mundo, natalo dito ang Hapon at Alemanya na naging sagisag ng pagtatapos ng giyera at nanaig ang Pilipinas, Amerika at mga bansang kaalyado nito. At ayon din sa napagaralan natin, binagsakan ng Atomic Bomb, ito ang pinakamalakas na bomba sa buong mundo nang mga panahong iyun, ang bansang Hapon. Winasak naman ng husto ng magkakaalyadong bansa ang kabayanan sa Alemanya. Ngunit, nasaan na ang bansang Hapon at Alemanya ngayon? Ang dalawang bansa ito ay dalawa sa pinakamayayamang bansa sa mundo ngayon. Kung ikukumpera mo ang panahon noon sa panahon ngayon, masasabi nating suwerte pa rin tayo. Kung ang Hapon at Alemanya ay nakayang bumangon mula sa matinding pagkakalugmok ay kaya din nating bumangon sa matitinding problema na hinaharap natin ngayon.

Ating tanggapin na ang buhay ay hindi madali. Ang buhay ay maikukumpera natin sa isang gulong, tayo ay kung minsan nasa baba at kung minsan nama’y nasa taas naman. Kung tinatanggap natin ito, alam natin na ang pagiging nasa baba ay lilipas din dahil tataas din tayo at dapat din nating isipan na laging paghandaan ang pagbaba pag nasa itaas na tayo. Ilang beses ko na naranasan na nasa ibaba ako ng buhay ko at ilang beses ko na naranasan na nasa itaas ako ng buhay ko. Naulila ako sa Ama sa gulang na labing apat, naranasan ko ang matinding kahirapan sa buhay ng pumanaw ang aking ama na walang naiwang kabuhayan, naranasan kong magdildil ng asin, ang manghingi ng ulam sa kapitbahay. Ito ang mga panahong nasa ibaba ako. Napakadaling sisihin ang Diyos ng mga panahong ito. Napakadaling sumuko sa buhay. Ngunit hindi ako nasiraan ng loob, gumawa ako ng paraan – kung pagbabatayan ang aking paniniwala, aking alam ang buhay ang parang isang gulong. Alam kong aakyat din ako. Alam kong uunlad ako kung ako ay aaksyon at gagalaw sa buhay. Nasaan na ako ngayon? Ngayon, ako ay nagsasalita sa harap ninyo at nagsasabing huwag na huwag mawalan ng pagasa.

Tanggapin din nating na merong mga sitwasyong na hindi natin kayang baguhin ngunit puede nating kontrolin ang ating reaksyon sa mga sitwasyon na ito. Tumingin tayo sa mga bagay na puede nating baguhin at kontrolin. Hindi pagiging biktima ng situwasyon, dapat kontrolin natin ang ating patutunguhan. Hindi kasalanan ang ipanganak ng mahirap ngunit isang kasalanan ang mamatay na mahirap dahil lahat tayo ay binibigyan ng pagkakataong umunlad. Ano ba ang pinagkaiba ng mayayaman sa atin, lahat naman tayo ay may dalawang paa, dalawang kamay, dalawang mata, lahat tayo ay tao.

Sa isang banda ang pagdanas ng kahirapan sa buhay ay nagbigay sa akin ng lakas ng loob at karagdagang kaalaman. Paano nga ba nating masasabi na masaya tayo kung hindi natin naranasan ang kalungkutan. Paano mo masasabing nageenjoy tayo kung hindi natin naranasang mainip. Sadya yatang pinaparamdam sa tao ng Diyos ang kahirapan upang magpasalamat tayo ng husto kapag umuunlad na tayo sa buhay.

Sa pagisip natin ng paraan na mapaunlad ang sarili, nagiiba ngayon ang paningin natin sa buhay. Di ba sinasabi natin kung minsan pag meron tayong gustong bilhin na “Hindi ko mabibili iyan dahil wala akong pera.” Ano naman kaya kung sabihin natin sa ating sarili na “Hindi ko mabibili iyan ngayon pero gagawa ako ng mabuting paraan para mabili ko, paano ko kaya ito mabibili?” Pansinin ninyo sa pangalang pangugusap na tayo po ay nagiisip na, meron nang pagasa, dito nagsisimula ang mga yapak patungong tagumpay. Nagiisip na tayo ukol sa mga bagay bagay para mapabuti ang ating kalagayan samantalang nababawasan ang pagiisip natin ng mga masasamang bagay. Tayo ay nakatingin sa pagpapaunlad ng ating sarili at hindi sa walang kwentang mga bagay na maaaring makasira at magpababa ng ating mga kalooban.

Etong lahat ng ito na nabanggit ko – Ambisyon, Matatag na kalooban at Magandang pananaw sa buhay ay kabuuan ng katangian na tinatawag na UGALI or “Character” ng isang tao.

At sa pangwakas, hayaan po ninyo akong tapusin ang aking pananalita sa isang kuwento ng isang magaling ng Griyekong Heneral at ng kanyang Tinyente. Napakagaling ng Heneral na ito at siya ay ginagalang ng nakakarami, ito ay pinagtatakhan ng kanyang Tinyente. Isang araw kinausap ng Tinyente ang kanyang Heneral. “Heneral, ang aking pinagtatakhan ay bakit madami ang humahanga at gumagalang sa iyo gayon sa aking pagkakaalam ikaw ay anak lamang ng isang magsasaka. Akin ding nalaman na nanggaling ka sa angkang magsasaka? Samantalang ako, ako dapat ang mas respetuhin. Ako dapat ang nasa posisyon, ang aking nagging magulang ay isang Heneral. Ang aming angkan ay kilala bilang mga magagaling na heneral.” Tumingin sa kanya ang Heneral at nagsabing – “Tinyente, alam mo ba ang pinagkaiba natin? Oo, nanggaling ako sa angkan ng mga magsasaka, nanggaling ka sa angkan ng mga Heneral ngunit ako ngayon ay isang heneral at ikaw ay isang tinyente. Ang pinagkaiba natin ay – Sa aking nagsisimula ang mataas na karangalan at tradisyon ng aking angkan samantalang sa iyo nagtatapos ang karangalan at tradisyon ng iyung angkan!”

Saan kayo lalagay? Kayo ba ay lalagay sa katayuan ng tinyente na nagtatapos sa kanya ang karangalan at tradisyon ng kanyang angkan o sa Heneral na nagpasimula at nagbibigay na karangalan sa kanyang angkan? Nasa sa atin ang sagot, nasa sa atin mga kamay ang paraan upang mapaunlad ang sarili. At ang magandang paguugali ng tao ang isa sa makakatulong dito.

Maraming Salamat po at magandang araw po muli!

[Return to Top of Page]


© 2002 Indira Padolina Dayupay Foundation & Charitable Associations Inc.