Contact Us
* Pagkakaisa Tungo sa Pagunlad ng Pamayanan - UN Day Speech, Oct. 24, 2003

Magandang Hapon po sa inyong lahat. Magandang hapon sa punong guro ng eskwelahang ito, sa mga guro, sa mga estudyante at sa mga panauhing pandangal. Ikinalulugod ko po na ako ay makasama ninyo sa pagbubunyi ng ”United Nations” day sa araw na ito.

Limamput walong taon na ang nakakalipas sa araw na ito ay binuo ng limampu’t isang estado, kasama na ang Pilipinas, ang ”United Nations”. Ang mga estadong ito ay nanumpa na panatiliin at ipaglaban ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagtutulungan. Mula sa limamput isang (51) orihinal na miyembro ay mga isang daan at siyam na put isa (191) na ang bansang bumubuo ng UN ngayon. Ang pagiging miyembro ng UN ang nagbibigay pangako sa bawat bansang miyembro, mahirap man o mayaman, na sila ay may boses sa pandaigdigang entablado.

Maaring maitatanong ninyo sa inyong mga sarili ang importansya ng araw na ito. Nasagi na ba sa isipan ninyo na hindi lamang tayo mga mamayan ng Pilipinas ngunit tayo rin ay mga mamayan ng mundo. Ang mundo ay isang malaking pamayanan na binubuo ng mga bansa o komunidad.

Ngunit bakit ganito? Bakit ating nakikita na madami-dami rin ang mga naghihirap na komunidad? Meron ba tayong magagawa upang makaahon ang ating komunidad mula sa kahirapan. Tulad ng mga katanungang ito, naharap din sa mga katanungan ang mga magkakaalyadong bansa bago mabuo ang UN. Katatapos pa lang ng ikalawang digmaan ng buuin ang UN. Nang mga panahong iyun, malawakan ang paghihirap sa buong mundo at malawakan din ang gulong idinulot ng ikalawang digmaan.

Ang pagkakasundo ng mga bansa na itaguyod ang kapayapaan at kooperasyon tungo sa maunlad na mundo ang siyang naging susi upang mabuo ang UN. Katulad ng UN, tayong mga bumubuo ng pamayanan ay maari ring makabuklod buklod upang labanan ang kahirapan.

MITHIIN, MISYON AT AKSYON. Ang mga salitang ito ang ating kailangan upang makaahon. Kahit na ang mga bansang bumubuo ng UN ay may iba’t ibang kultura, pananalita at pananamit ay iisa lang ang itinataguyod na mithiin ng mga bansa – ang kapayapaan, kapatiran at kaunlaran ng mundo. Ating nakikita na sa isang pamayanan ay binibuo ng mga tao na may iba’t iba din ang ugali, iba’t iba pananamit, iba’t ibang karunungan ngunit ang pagkakaroon ng isang mithiin ng pamayanan ang magbubuklod sa ating lahat. Gawin nating mithiin ang kaunlaran ng komunidad. Tulad ng pinagsasamang tingting upang makabuo ng walis na makapaglilinis ng paligid, ang pinagsasamang kakayahan ng mga tao ang siyang magbibigkis sa ating lahat tungo sa kaunlaran ng ating komunidad.

Kung meron tayong mithiin, dapat ang pamayanan ay meron ding misyon. Ang misyon ay ang ating mga direksyon ng ating mga gagawin tulad ng isang arkitekto na gumagawa ng plano na susundin ng mga karpintero. Ang misyon natin ang ating mga gabay tungo sa ating mithiin. Dito napapaloob ang ating mga kailangan gawin, ang ating mga pananagutan at ang ating mga stratehiya.

At ang panghuli ay ang aksyon. Mawawalang saysay ang mga mithiin at misyon ng isang pamayanan kung walang umaaksyon. Ang mithiin ay ang ating pangarap, ang misyon ay ang direksyon kung paano pupunta ang isang pamayanan upang makamit ang mga mithiin at ang aksyon ay siyang magdadala sa komunidad tungo sa kaunlaran.

Ayon sa sensus na ginanap noong Mayo, 2000; ang populasyon ng Gen. Tinio ay binubuo ng 12 barangay at 35,000 na katao. Isipin ninyo na lamang kung lahat ng mga taong ito na bumubuo ng pamayanan ng Gen. Tinio ay magkakasundo sa isang mithiin at gagawa ng aksyon tungo sa kaunlaran. Walang imposible!

Dapat tayong magkaroon ng pagmamahal sa ating komunidad. Ang pagmamahal ng mga tao sa kani-kanilang komunidad ang nagtutulak sa atin para tumulong na mapaunlad ito. Imbis na itanong natin kung ano ang magagawa ng pamayanan sa atin, dapat nating itanong kung ano ang magagawa natin sa ating pamayanan.

Ang pagmamahal na ito ang nagtulak sa aking itaguyod ang Indira Padolina Foundation. Akin pong ikinagagalak na sabihin sa inyo na ang foundation ay nasa ikalawang taon na ngayon. Nang huling bilang, lampas sa apat na raan (400) na estudyante sa elementarya, high school at kolegio ang natulungan namin. Nagbibigay tulong ang foundation sa mga mahihirap ngunit matatalinong karapat-dapat na kabataan.

Tulad ng UN na may mithiing makamit ang kaunlaran, katahimikan sa pamamagitan ng kooperasyon, mithiin namin sa foundation na matulungan makamit ng kabataan ang kaunlaran at karunungan. Akin lamang hiling na ang ating mga ginagawa ay hindi malilimutan ng mga tao ngunit susuportahan pa mapalakas ito. Nais kong iparating sa inyo, na sa pagtulong natin sa ating mga kabataan iskolar, hindi lamang ang mga kabataan ang ating natutulungan ngunit pati ang komunidad. Tandaan natin na ang mga kabataang ito ay siyang bumubuo ng ating komunidad.

Mithiin, Misyon at Aksyon tungo sa kaunlaran ng pamayanan at ng ating bayan. Karunungan para sa kabataan na bumubuo ng pamayanan. Ang UN ang isang mabuting ehemplo na kumakatawan sa mararating ng pamayanan kung magkakaisa at magtutulungan.

Maraming Salamat po.

[Return to Top of Page]


© 2002 Indira Padolina Dayupay Foundation & Charitable Associations Inc.