|
* Talambuhay ni Capitan Mamerto Ramos Padolina
(18 Nov 1845 - 23 Sept 1923)
sinulat ni Jose Lea Padolina Sr.
Ika-10 Abril 1977
------------------
Note: Papaya (General Tinio) became a town on January 1, 1921 through the collaborative efforts of Capitan Mamerto Padolina who was then the Secretary of the Governor of the Province, Judge Segundo Bernardo and Francisco Padolina.
(Read more about General Tinio in wikipedia.)
------------------
Maghari ang katarungan at
pangibabawin ang kapangyarihan
ng Pilipino sa mga dayuhan
Sa liblib na pook, maganda at matulaing mga paligid, sa nayon ng Papaya, Penaranda, Nueva Ecija at sa abot-tanaw ng dalampasigan ng ilog ng Penaranda, ay isinilang ang isang sanggol noong ika-18 ng Nobyembre, 1845. Ang sanggol na ito ay hinangaan at kinilalang bayani ng nayon ng Papaya, ay dilit iba na si Komandante Mamerto Ramos Padolina. Ang kanyang ama ay si Francisco Padolina at ang kanyang ina ay si Maria Ramos. Sa apat na magkakapatid ay nakabilang siya sa pangatlo na tanging anak na lalaki ng magasawang Francisco at Maria. Ang kanilang pamilya, ay nakaaangat naman sa karaniwang mamayan nang mga panahon iyon.
Si Komandante Mamerto R. Padolina ay nag-aral sa Cartilla, Caton, Librong Tagalog, at tuloy nagpakabihasa sa pagsulat sa Cuaderno, na ang mga gamit ay papel de barba, tinta at ang panulat ay pakpak ng pabo o manok. Bahagya siyang natuto ng kastila, ngunit hinangaan naman sa pakamahusay na managalog, wastong mangtuwiran at lagging namumutaw sa kanyang mga labi ang mga pangungusap na makabayan. Hindi rin niya gaanong pinansin ang pagsulat, subali’t sa dagliang bigkasan ay tunay na din siya mapapantayan ng mga panahong iyon, dala palibhasa ng kanyang malakas, buo, at kagalanggalang na boses. Maraming katangian siyang tinataglay. May tipong pambihirang matagpuan sa isang Pilipino. Tumitindig na may taas sa limang talampakan, at labing limang pulgada. Ito’y binagayan ng timbang na 220 libras humigit kumulang. Ang mga katangiang ito na pinagkaloob Poong may kapal ay buong puso’t kaluluwa niyang pinasasalamatan. Ang mga kakayahang itinalaga sa kanya ng Diyos ay hindi ginamit sa pansariling kaunlaran, kundi sa kapakanan at kabutihan ng bayan. Kailan ma’y hindi mapag-aalinlanganan ang katapatan sa Diyos, sapagkat si Komandante Padolina ay paltawag at palasimbahin at sa katunayan, ay mababakas pa sa kanyang mga anak at mga apo, ang palagiang pakikipag-unawaan sa Poong Maykapal.
Nakipag-isang puso kay Regina Dagiron ng San Jose, Penaranda, Nueva Ecija, noong taong 1872. Ang naging bunga ng kanilang matatamis na suyuan ay sampu. Mula sa panakamatanda ay sina Eulalio, Juana, Marcina, Dorotea, Paulino, Ruperto, Mariano, Cecilia, Froilan at Paula. Pito ang nagkapalad na magkaroon ng pamilya, ngunit ang dalawa ay di nagkaroon ng supling, sina Mariano at Cecilia. Sa panahong ito ay si Ginang Paula Padolina Mangahas na lamang ang buhay. Tanging pinagpala upang tupdin ang tungkuling mahalin, magbigay-payo at lingapin ang kanyang mga hinlog.
Si Komandante Mamerto R. Padolina ay mapag-isip. Sa panahon ng pang-araw-araw na tungkulin niya sa buhay, ay laging kalakip sa kanyang gunita’t damdamin ang magandang kinabukasan ng kanyang pamilya at higit sa lahat ay ang kanyang kababayan. Naging tunay na alituntunin ng kanyang buhay ang paglingkuran at ipagtanggol, ang mga naaaping kababayan. Ang kanyang buong panahon, buong puso’t pag-iisip, ay nahahandang ilaan sa mga kanayon upang ipagsanggalang, paghariin ang katarungan at pangibabawin ang katuwiran, kasukdulang masadlak sa kasawian ang iniiwing buhay.
Nang dahil sa kanyang pagsusumikap sa mga gawaing pangmakabayan, siya ay hinirang na maging tiniente del Baryo ng Papaya at lalong naging matapat at walang pasubaling pagtupad sa tungkuling nakaatang sa kanyang balikat. Hindi lamang ang mga kanayon at paligid bayan ang humanga at gumalang sa kanyang katalinuhan, at katapangang ipinamalas, kundi pati mga Guwardya Civil at agosil ng bayan ay humanga rin. Buong giting niyang ipinagtanggol ang kaapihan at karapatan ng bawat isa. Bilang pagbibigay dangal sa sarili ay hindi niya binibigyan ng puwang ang katiwalian at buktot na pamamaraan sa ilalim ng kanyang kapangayarihan, sapagka’t ang pag-iimbot ay kapatid ng kasawian.
Gabi, Hulyo 7, 1892, araw ng pagkakatapon ni Dr. Jose Rizal sa Dapitan, Mindanaw ay noon itinatag ni Andres Bonifacio ang Katipunan sa Tondo, Manila. Ang dalawang katulong ay sina Teodoro Plat at Ladislaw Diaw. Ang Katipunan ay isang lihim na kilusan ng mangdirigmang makabayan. Ang tunay na pangalan ng samahang ito ay Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan Ng Mga Anak ng Bayan (KKK). Ang katipunan ay may dalawang layunin. Una – Pagisahan ang lahat ng Pilipino na mabuo bilang isang bansa. Pangalawa – Magkaroon ng kalayaan sa pamamagitan ng panghihimagsik. Ang sino mang sumapi ay magdadaan muna sa masusing pagsubok. Si Komandante Mamerto R. Padolina ay kabilang sa sumapi sa kabila na, ang buhay niya ay nanganganib sa pamahalaang Kastila. Pagkatapos ng Pacto de Sangre, (Blood Compact) ay taimtim na nanumpa at lumagda sa kasunduan na sariling dugo mula sa braso ang ginamit. Buong kabayanihan niyang napagtagumpayan ang mga pagsubok at panunuri kung kayat siya ay tinanghal na isang tunay na Katipunero.
Kusang inihatid ng panahon ang kalagimlagim na paghahari at kalupitan ng mga Guwardya Civil at Casadores. Ang mga taong inaakalang kalaban ng Kastila ay hinuhuli at pinipiit sa bilangguan, at ang iba naman ay pinarurusahan sa pamamagitan ng pangaw, palo at kulata ng baril, at kung magkabihira’y tuluyan nang pinuputi ang buhay sa pamamagitan ng punlo. Ang isa sa mga nagdusa sa kalupitan ng Guwardya Civil ay si Urbano Fajardo (Tinting Bano) na asawa ni Tandang Andea Bal. Nang umabot sa kaalaman ni Komandante Mamerto R. Padolina ang pangyayari siya ay hindi nag-aksiya ng panahon. Noon din ay sumaklolo at madaliang pinigil ang marahas, at nagngangalit na mga Guwardya Civil na nagpaparusa kay Tinting Bano. Marahan niyang binuhat ang nag-aagaw-buhay at lupaypay na katawan ni Urbano Fajardo, at agad isinugod sa Elbularyo at nang mahimasmasan na’y, sinamahan sa Kuwartil ng mga Kastila upang ipagtanggol at pawalang kasalanan. Dahil sa kanyang kagitingan ay napahinuhod niya ang Casadores at nahango si Tinting Bano sa tiyak na kamatayan.
Ang kaharian ng kapayapaan ay di na yata darating sa buhay ni Komandante Padolina. Ang araw ng katahimikang pinakahihintay ay waring napapalaot. Ang nagugulimihang buhay ay lalong lumalabo sa halip na luminaw. Ang linaw na dapat mangibabaw ay lumalalim. At ang latak na nararapat sa kailailaliman ay siya pang pumaibabaw sa kalabuan. Palibhasa’y mga pangyayaring malaon nang nakasulat sa mukha ng tadhana. Mga pangyayaring di maaaring supilin sa pamamagitan ng isang pangarap lamang, kundi isang lakas ng loob na may pag-ibig, isang matatag na layunin, buong lunggati, na di-maaaring supilin ng mga taksil na kababayan. Noong taong 1895 buwan ng Marso, sa gitna ng katahimikan ng gabi ang nayon ng Papaya ay biglang pinukaw ng mga manloloob na taga-Batasan, San Miguel, Bulacan. Ang masasamang loob ay pawang sandatahan, may higit na lakas, kung kaya’t napinsala ang nayon. Kinabukasan nang araw ring yaon ay nagtatag siya ng isang samahan na pinamagatang Bisig at Lakas ng Papaya. Buong ingat at talino niyang itinatag ang samahan sa pamamagitan ng pagpili ng mga lalaking mapagkakatiwalan sa kilusang ito. Sina Kapitan Juancho Padolina, Kapitan Rufino Punsal, Kapitan Eulalio Padolina at Kapitan Juan Calma ang mga kanayong may pawang matatag na paninindigan, ay siya niyang hinirang sa nasabing samahan. Pinangalagaan at itinaguyod ni Komandante Padolina ang samahang Bisig at Lakas ng Papaya hanggang sa ito ay umunlad, at nagkaroon ng mahigit isang daang kasapi. Mga kasaping matitining ang loob, mga anak ng bayan na nahahandang ihain ang buhay alang-alang sa kaunlaran at kaligtasan ng bayan. Ang samahang bagong tatag ay biglang umalingaw-ngaw hindi lamang sa karatig bayan kundi halos sa buong lalawigan. Mula noon ay iginalang ang nayon ng Papaya at hindi na muligng niligalig. Dahil dito’y nautusan si Komandante Mamerto R. Padolina ni Heneral Mariano Llanora na siyang mamahala ng lihim na kilusan sa Nueva Ecija. Buong puso niyang tinanggap ito. Sa sandaling pamamahala ay hinangaan siya ng mga kasamahan. Ngunit nang dumating si Heneral Urbano Lacuna, mula sa Maynila ay nagkaroon ng malaking pagpupulong ang mga Katipuneros. Iminungkahe ni Komandante Padolina na isalin na kay Heneral Urbano Lacuna ang pangangasiwa ng mga sundalo sa Nueva Ecija, hanggang bahagi ng Pangasinan. Ang mungkahing ito’y sinang-ayunan at pinagtibay ng lahat. Dahil sa malaking tiwala ni Heneral Urbano Lacuna kay kay Kumandante Padolina sa ipinamalas na pamumuno at pamamalasakit sa lihim na kilusan, ay ipinagkaloob nang medalyang pagka-Komandante. Ang sakop ay ang buong Penaranda, Papaya at mga paligid, hanggang sa kalakhan ng Gapan. Ang kanyang naging adhikain at patakaran, sa sarili at lahat ng nasasakupan ay naging tunay na Pilipino sa damdamin, sa isip, at higit sa lahat ay sa gawa.
Noong ika-26 ng Agosto, taong 1896, ang lahat ng mga kasapi sa Katipunan sa gawing Maynila na mahigit dalawang libo ay tinipon ni Andres Bonifacio, at lumabas sa parang na ang sandata ay matatalim na gulok at kampilan. Sa araw na iyon, ay buong lakas na isinigaw ng mga anak ng bayan ang MABUHAY ANG REPUBLIKA. Iyan ang tinatawag ng UNANG SIGAW SA BALINTAWAK. Diyan nagsimula ang pagsikla ng himagsikan laban sa mga Kastila.
Samantalang ang alingawngaw ng himagsikan ay patuloy na lumalaganap sa bayan at mga lalawigan ay sinamantala naman ni Komandante Mamerto R. Padolina na igayak ang kanyang hukbo na mahigit sa isang daang katao na ang bawat isa’y handang ibuwis ang buhay alang-alang sa kalayaan. Sa malalon at madali ay lihim na tumanggap ng utos mula kay Heneral Mariano Llanora na isa siya na lulusob sa Factorya garison ng Kastila, San Isidro, Nueva Ecija sa ika-2 ng Setyembre 1896. Pagkatapos na mabigyan siya nga mga pangunahing tagubilin ni Heneral Mariano Llanera ay tuluyan nang tinipon ang mga kawal. Sa dahilang ang tanging kasangkapan ng mga Katipuneros ay gulok at sibat ay umisip ng magandang paraan si Komandante Padolina upang makalapit at pagtagumpayan ang unang araw ng kanilang pakikipaghimagsik. Puamasok ang kompanya sa Factorya (San Isidro) na may kasamang mga musiko na waring nagpoprusisyon at sa unahan naman ay may apat na eskrimador an ipinamamalas ang kagalingan sa arnis de mano. Tunay na nakawiwiling panuurin ang kanilang kahusayan. Nang matapat sa Kuwartil o garison ay doon pinagbuti ang tugtug ng musiko at eskrimahang walang puknat ang pinakita sa mga Kastila. Naaliw sila sa panunuod hanggang, ang lahat ng kasadores sa kuwartil ay pumanaog upang pagbigyan ang mga sarili sa kasiyahan at samantala namang unti-unting iniikit ng mga Katipuneros ang mga walang malay na Kastila at mga Guwardya Civil na pawang de baril. Sa ubod nang kasabikan sa panunuod ay biglang humudyat si Komandante Mamerto R. Padolina sa pamamagitan ng pagsigaw ng Balat, at sa halip na arnis de mano ang makita ay kahambalhambal na tagaang walang humpay, pingkian ng gulok at baril na makangingilong saksihan ng mata. Lubos ang kapinsalaan ng mga Kastila, hanggang sa inakyat ng mga Katipuneros ang kuwartil at tuloy sinamsam na lahat ang mga armas. Sa unang tagpo ng kanilang pakikilaban ay maituturing na isang malaking tagumpay, sapagkat ang buong kompanya ay di-gaanong napinsalaan at sa halip ay nagkaroon sila ng maraming armas. Iniwan ang garison na naglipana ang bangkay ng mga dayuhang puti at mga kayumangging Guwardya Civil na naglutang sa sariling dugo.
Patuloy ang putaputakting pag-aalsa sa silong nga langit nitong Pilipino. Naligalig ang mga Kastila at ang mga makabebe na subasub sa mga dayuhan ay lalong nagpunyagi upang ibaksak ang layunin ng Katipunan na hanguin ang buong kapilipinuhan sa malaon nang pagkaalipin. Noong ika-7 ng Hulyo 1897 ay nagtungo si Komandante M.R. Padolina sa Biak-na-Bato upang tumanggap ng mga utos hingil sa hinaharap pang pakikibaka. At ang saligang-batas na isinulat nina Isabelo Artacho at Felix Ferrer, ay pinagtibay rin noong unang araw ng Nobyembre, taong 1897 na nagkakabisa lamang ng dalawang taon, at pagkatapos ay magkakaroon ng pagbabago. Noon din ay pinagkaisahan na si Heneral Emilio Aguinaldo ang hiranging pangulo sa Pilipinas. Sa sumunod na taon ika-12 ng Hunyo 1898 ay ipinahayag ang pagsasarili ng Pilipinas sa Kawit, Cavite.
Dalawang buwan at isang araw lamang na naghari ang kaunting katiwasayan sa ilang panig ng bansa at pagkatapos ay biglang dumating si Admiral George Dewy biglang bagong kalaban noong ika-13 ng Agosto ng taong din iyon, at nasakop ang Maynila. Muli na namang tinipon ni Komandante Padolina ang kanyang mga tauhan at ang kanyang angkan ay itinago sa may Minalungaw na kasama si Kapitan Pantaleon Balmonte, na noon ay kasalukuyang pinaghahanap ng mga kaaway. Hindi pa halos lumalamig ang dulo ng kanyon ng baril sa labanan Kastila at Pilipino ay labanan na naman ng Pilipino at Amerikano ang sasalungahin. Sa dahilang higit na malakas ang mga kasangkapan ng Amerikano sa Pilipino, kung kaya’t kusang napipilan at naitaboy ang mga anak ng bayan sa kabundukan. Nakarating sina Komandante Mamerto R. Padolina at kasama rin si Heneral Urbano Lacuna at mga tauhan sa likod ng bundok ng Minalungaw. Maganda at walang panganib ang kanilang kinalalagyan sapagkat kita nilang lahat ng kalaban ngunit hindi sila natatanaw. Hindi kakunting makabebe at Amerikano ang napinsala at ang iba naman ay tuluyan nang nangamatay, sa pamamagitan lamang ng pagpagulong ng malalaking bato mula sa kataasan ng kanilang kinalalagyan. Matigas ang kalooban ni Komandante Mamerto R. Padolina. Sa utos ng kanyang Heneral na si Urbano Lacuna ay hindi binigyan ng puwang ang mga kalaban na maakyat ang kanilang kuta. Sa gayong katayuan ay dumating ang araw na maubos ang kanilang mga pangunahing pagkain, dahil sa karamihan ng mga sundalo. Ikalawa, ay walang dumarating na ayuda sa dahilang may saklang lahat ang mga daan patungong kabayanan. Nagtiis pa ng mga ilang araw ang mga bayaning anak ng bayan na nakipagpalitan ng lakas, sa kabila ng walang inaasahang pagkain. Ipinagpatuloy pa rin ang pakikipagtunggali hindi lamang sa bangis ng kaaway, kundi sa bangis pa rin ng kagutuman. Ang iba ay nakahandusay, hindi dahil sa punlo kundi dahil sa sakit na malaria at ang iba naman ay tuluyan nang nangamatay na kimkim sa dibdib ang pagibig sa bayan. Iyan ang pinakamasaklap na yugto sa buhay ni Komandante Mamerto R. Padolina. Tumatangis ang puso, ngunit sumisigaw ang sa dibdib. Lungkot sa habag ang namumuo sa dibdib, ngunit nangingitngit naman ang kalooban dahil sa hangaring mapagtagumpayan ang mapanganib na mga kaaway.
Unang araw ng Abril 1901, samantalang halos nagbabaga ang kabundukan ng Minalungaw, dahil sa dagundong at walang humpay na putukan, ay noon naman kasalukuyang nanunumpa si Heneral Emilio Aguinaldo sa katapatan ng bandilang Amerikano at nang dumating ang ika-19 ng Abril 1901, ipinahayag na rin ni Heneral Emilio Aguinaldo sa lahat ng katipunan at mga anak ng bayan ang patalastas na tanggapin ang kasalukuyang patarang ipinaiiral ng Amerikano. Sumapit sa kaalaman ni Komandante Mamerto R. Padolina ang pahatid kalatas at inuutos na rin sa lahat ng kanyang nasasakupan na ibaba na ang mga armas bilang pagsuko. Masaklap man sa kanyang damdamin ang mga pangyayari, ay buong kabayanihan niyang tinaggap ang pagkatalo palibhasa’y atas na ng tadhana. Noon niya naramdaman ang pagkalupaypay ng hapong katawan. Kung bagama’t hindi nakamit ang adhikain, ay tinugunan naman niya ang tungkulin sa bayan ng isang matapat at walang pasubaling pagtupad. Ang mga hirap, gutom at uhaw, ay hindi inalintana, tulad nang nadama ng kanyang sarili na ang mga paligid ay nilalambungan ng ganap na kalungkutan.
Ang kadakilaang ipinamalas, ang mga gintong butil ng pagibig ng bayan, at ang lahat ng kanyang tagumpay, ay isaisang tinuhog sa kuwintas ng kabayanihan, at masuyong isinabit sa dibdib ng Inang Bayan.
Pagkatapos nang humigit-kumulang sa sampung taong pakikihamok, siya’y namahinga at binawian ng buhay noong ika-13 ng Setyembre 1923.
Bagama’t ang diwa at bango na Katipunan ay unti-unti nang napaparam sa kalooban ng lipunan, at ang kadakilaan ng mga anak ng bayan ng panahong nagdaan, ay limot na rin ng madla, ay hindi makakaila na ang magandang kasaysayan, ni Komandante Mamerto R. Padolina ng nayon ng Papaya, sa ngayon ay bayan ng Gen. Tinio, Nueva Ecija, ay nananatiling nakasulat sa pisngi ng langit.
Mga Pinagsanggunian:
Epefanio Bote – Gen. Tinio, Nueva Ecija
Mariano S. Padolina – Gen. Tinio, Nueva Ecija
Vicente V. Tan – Penaranda, Nueva Ecija
Marcelo Padolina – Nayon ng M.R. Padolina, Gen. Tinio, Nueva Ecija
Ex-Mayor Marcelo Lacuna – Penaranda, Nueva Ecija
Ex-Mayor Joaquin Balmonte – Gapan, Nueve Ecija
Mga lumang talaang Tagapagpagunit
[Return to Top of Page]
|
|